Marcos, Duterte: Ang mga tunay na nuisance

Scientia
4 min readNov 17, 2021

--

Editorial

Photo captured by: Alab Ayroso

Kasunod ng paghahain ni Mayor Sara Duterte-Carpio ng kanyang certificate of candidacy (COC) upang tumakbo sa pagka-bise presidente bilang katambal ng anak ng diktador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., umatras naman si Bong Go sa pagka-bise presidente upang tumakbo sa pagkapangulo. Para palamutian pa ang atras-abanteng palabas ng mga naturang politiko, naghain si Pangulong Duterte ng kanyang COC upang tumakbo sa pagka-senador noong ika-15 ng Nobyembre.

Natutunghayan natin ngayon sa pagtatambal nina Marcos at Duterte-Carpio at sa muling pagtakbo ni Duterte sa posisyon ang pagsasanib-pwersa ng dalawang pamilyang ganid sa kapangyarihan. Lantaran ang pagnanais nilang mapanatili ang kanilang impluwensya bilang mga pasista at magnanakaw ng kaban ng bayan. Sina Marcos at Duterte ang mga tunay na nuisance — mga kandidatong ginagawang katawa-tawa ang eleksyon at sinisiraan ito — at hindi ang masang kasabay nilang nagpapakita ng tunay na hangaring baguhin ang balikong pamamalakad ng kasalukuyang administrasyon. Sila ang mga balakid sa ating pagpapalaya mula sa rehimeng mapang-alipusta sa mga Pilipino.

Mistulang matatag sa kani-kanilang panindigan ang mag-amang Duterte sa simula ng paghahain ng mga COC para sa halalan sa 2022. Ipinahiwatig ni Sara Duterte-Carpio na wala siyang interes sa pagtakbo sa nasyonal na posisyon nang maghain siya ng COC sa pagka-alkalde ng Davao. Alinsunod dito, nais na ni Pangulong Duterte na magpahinga dahil tuluyan na siyang magreretiro sa politika. Sa pagtatapos ng candidate substitution noong ika-15 ng Nobyembre, pinatunayan ng mag-ama na sinungaling sila. Tila hindi pa sapat ang anim na taong termino ni Pangulong Duterte upang lokohin at apihin ang sambayanan. Ang kanilang sabay na pagtakbo ay hindi lamang pambabastos sa proseso ng eleksyon kundi pambabastos na rin sa elektorado at sa bawat Pilipinong nagbuwis ng kanilang mga buhay upang patalsikin ang mga Duterte sa kapangyarihan.

Hindi na rin bago ang pamamalakad ni Marcos Jr. na tila minana niya sa kanyang amang diktador. Sa kaliwa’t kanang mga kabulaanan, nagsisimula na ang propaganda ng mga Marcos sa paglilikha ng ilusyon ng “Golden Age” noong panahon ng kanilang diktadurya. Sa kabila ng mga katotohanan at mga primaryang sangguniang nagpapakita ng tunay na kalagayan ng Pilipinas noong Martial Law, wala pa ring humpay ang pagpapabango sa pangalan ng mga Marcos sa social media sa pamamagitan ng mga di-makatotohanang tagumpay. Isa itong pangmamaliit hindi lamang sa masang nagtanggol ng ating mga karapatan noong panahon ng Batas Militar kundi pati na rin sa masang humihiling ngayon ng tunay na pagbabago mula sa imperyalista at pasistang sistemang inilagak mismo ng pamilyang Marcos.

Kung ang mga tulad ni Marcos at Duterte ang mahahalal sa 2022, walang pagbabagong magaganap sa ating kasalukuyang kondisyon. Patuloy tayong maghihirap sapagkat sisiguraduhin nilang mananatili ang mapang-api at baliktad na pamamalakad ng gobyerno. Iba lamang ang pangalan, ngunit iisang mukha ng pasismo ang pinapakita ng pamilyang Marcos at Duterte. Mananatili at lalago lalo ang ilusyon ng “Golden Age” at “Duterte Legacy”: mga naratibo ng makasarili at ganid na pamahalaang mapagbalatkayo.

Dagdag pa rito, ang paraan ng kanilang pagtakbo sa pinal nilang posisyon ay insulto sa masang itinuturing na nuisance candidates. Kung tutuusin, ang masa ang tunay na may kapangyarihan sa lakas-paggawa, ang masa ang may kapangyarihan maghalal, at masa ang tunay na makikinabang o maaapektuhan ng mga polisiyang isasabatas ng ating magiging mga pinuno. Masa rin ang lubusang naghihirap at nakakakita ng dalita ng bansa mula sa administrasyong Marcos at Duterte na nagnakaw sa bayan, nanloko sa mamamayan, at kumitil sa mga mahihirap at sa ating mga progresibong lider.

Kaya naman bilang isang lipunang nagnanais nang makaalpas sa delubyo ng nakaraan, hindi dapat nating hayaang muling maluklok sa posisyon ang isang Marcos o ang isang Duterte. Sa halip ay dapat silang pagbayarin sa inutang nilang dugo at sa mga kasalanan nila sa sangkatauhan. Sapagkat kung ating ipagsasawalang-bahala ang kanilang mga sala at hinayaang mamuno sila muli, para nating ipinagkikibit-balikat ang mga sakripisyo ng masa at mga progresibo na nakibaka upang mapatalsik sila sa pwesto. Kung hahayaan natin silang manatili sa posisyon sa darating na eleksyon, patuloy tayong masasakdal sa dusa mula sa sistemang pinamunuan at pinanatili mismo ng kanilang mga pamilya.

Hindi pa huli ang lahat. Ngayon pa lamang, maging alerto na tayo sa bawat galaw ng mga nuisance tulad nina Marcos at Duterte at sa mga mekanismo ng kasalukuyang administrasyon na mag-iimpluwensya sa nalalapit na halalan. Manatili tayong maalam at hamigin natin ang ating mga kapamilya na bumoto nang tama at huwag tangkilikin sina Marcos at Duterte nang hindi na maulit ang kasaysayan ng pagpatay, korapsyon, at pagpapatahimik sa boses ng masang Pilipino. Nasa atin ang kapangyarihan, gamitin natin ito upang mapatalsik ang tunay na nuisance: ang mga tunay na pasakit sa sambayanang Pilipino.

#NoToMarcosDuterte2022

#Halalan2022

--

--

Scientia
Scientia

Written by Scientia

The official student publication of the College of Science, UP Diliman.

No responses yet